Hilig ᜑᜒᜎᜒᜄ᜔

Napakarami kong nais gawin,
Ibig kong sumulat ng mga kantang aking pasisikatin.
Iba’t ibang pelikula, gusto kong panoorin,
Napakarami kong hilig, hindi ko alam ang uunahin!

Nais kong sa baybayin maging bihasa,
Nasa isip ko rin ang pag-aaral ng wikang banyaga,
Bahasa Indonesia, Thai, at Espanyol aking nasimulan.
Naparami kong hilig, ngunit hindi ko mapanindigan.

Gusto ko aralin ang sulatin na Tagbanwa,
Kaso iilan ang saki’y makauunawa.
Hanunoo at Buhid, na pagsulat ay nais kong gamitin,
Subalit baka mawalan ako ng gustong kumausap sa akin.

Itong mga hilig na ito, sadyang nakaaaliw!
Napakarami kong ninanais, para akong babaliw!
Baliw, siguro ayun ang salitang sa akin ay nababagay.
Ganoon talaga, kapag isang buwan ka na sa loob ng bahay.

Panibagong Kwento (2020) ᜉᜈᜒᜊᜄᜓᜅ᜔ ᜃ᜔ᜏᜒᜈ᜔ᜆᜓ

Narito nanaman ako sa panibagong panimula,
Panibagong binibini, natanaw ko sa madla.
Kaniyang pagdatal sa’king buhay ay ‘di kapani-paniwala,
Sa kaniyang mga ngiti’y ika’y ikukulong, sadyang napakadaya!

Wala siyang lihim, lahat ay kaniyang iniuulat.
Siya ang dahilan kung bakit ko ito sinusulat.
Siya ang paksa, siya ang introduksyon.
Sa masalimuot kong mundo, siya ang solusyon.

Isa ba siyang diwata o prinsesa?
Marikit siya! Iyon ay sigurado,
Hindi ko mawari kung bakit ba?
Basta ako sa kaniya’y labis na interesado!

Sana’y ako’y hindi nananaginip,
Aking pagsinta’y parang ulo ng pakong nakasilip.
Hindi ko maitago, itong aking nararamdaman,
Ikaw ang panibagong kwento na hindi magtatapos kailanman.

Pilipinas: Bansang Marahas (2016) ᜉᜒᜎᜒᜉᜒᜈᜐ᜔: ᜊᜈ᜔ᜐᜅ᜔ ᜋᜇᜑᜐ᜔

Baril na kargado ng tatlong bala,
Tinutok, pinutok, sa ulo ng kaniyang ama.
Sila’y nagulat, nagulantang sa nakita,
Pinatay ang kanilang ama sa mismong harap nila.

Dugo’y umagos sa kalsada,
Mga tao’y nakiusyoso na.
Mata ng naulila’y lumuluha,
‘Di mapakali, ‘di makapaniwala.

Kung sino pang kumitil,
Siya pa ang may parangal.
Kung sino ‘yung walang habas na binaril,
Datingan ay siya pa ang nasasakdal.

Anyare sa bansang kinamulatan?
Karapatang pantao, bakit kinalimutan?
Hiling ng tao’y kaunlaran,
Pero bakit ganito kabi-kabila ang patayan?

Sino Ang Good Boi??? ᜐᜒᜈᜓ ᜀᜅ᜔ ᜄᜓᜇ᜔ᜊᜓᜌ᜔???

Selfie ni Segi, isang labrador.

Nasa ikawalong baitang ako noong dumating sa buhay ko ang isang purong itim, at saksakan ng ka-‘cute’-an na si Segi. Siya ang isang labrador na nanggaling sa kumpare ng aking ama. Mahilig ang aking pamilya na mag-alaga ng aso, kaya’t hindi kami nag-atubiling arugain ang nasabing tuta.

Siya ay ang ika-sampung asong inalagaan namin mula noong tumira ang aking magulang dito sa Barangay Punta. Halos lahat ng aming mga aso ay may kakaibang ala-ala sa amin, ngunit hindi ganoon si Segi ngayon.

Siya ay isang asong walang pakialam kung iyong tatawagin. Pansin din ang kaniyang muta sa araw-araw, hindi siya nawawalan nito. Hindi siya malambing at lalapitan ka lamang niya kapag may kinakain ka. Hilig niya rin uminom ng tubig sa aming balde sa palikuran.

Labis din siyang kinatatakutan ng lahat dahil hindi pangkaraniwan ang bulas nito. Hindi siya gala at ang tanging tambayan niya ay ang palikuran at ilalim ng aming lumang sasakyan.

Halos 4 na taon na siya sa amin, siya ang isa sa mga tumagal dahil ang iba ay naaksidente, mayroong nagkasakit, mayroon ding sinadyang patayin nang hindi kilalang tao (hustisya). Marami pa sanang taon ang aming pagsamahan, dahil mahirap mawalan ng good boy na nakasanayan ko nang makasama.

P.S. Nakatutuwa si Segi kapag siya’y humaharok at nananaginip.

Ang Masalimuot na Kwentong Pag-ibig ni Sergio: Huling Kabanata

ᜀᜅ᜔ ᜋᜐᜎᜒᜋᜓᜂᜆ᜔ ᜈ ᜃ᜔ᜏᜒᜈ᜔ᜆᜓᜅ᜔ ᜉᜄ᜔-ᜁᜒᜊᜒᜄ᜔ ᜈᜒ ᜐᜒᜇ᜔ᜑᜒᜌᜓ

ᜑᜓᜎᜓᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ

“Ah, si mommy? Grazilda.” sagot ni Graciel. “Aba! Kapangalan nung kapatid ko ah” napatawa nang bahagya ang binata. “Tagal ko na ring hindi nakikita si ate, nagtatago siya samin ni mama e” muntik na magdrama si Sergio, buti nalang ay hindi nakikinig sa kaniya si Graciel.

Kanina pa sila naglalakad at sa wakas, eto na talaga. Narating na nila ang kanto ng bahay nina Graciel. Nagulat sila nang tumambad sa kanila ang ina nito na nag-aalala na. Napatakbo si Graciel at agad niyapos ang ina. Napatingin si Grazilda sa kasama ng kaniyang anak… parang pamilyar.

“A-A-Ate?!” wika ni Sergio na medyo naluluha na.

“Oy, Sergio! Bakit kasama mo ‘yang anak ko? Anak, ayan ang sinasabi kong gwapo mong tito!” sabay turo ni Grazilda sa kaniyang nakababatang kapatid na si Sergio.

Tumulo na nang tuluyan ang luha ng ating bida, hindi ko alam kung anong dahilan. Dahil namiss niya ate niya? O dahil pamangkin niya pala nililigawan niya? Ewan. Kayo na humusga.

WAKAS

Ang Masalimuot na Kwentong Pag-ibig ni Sergio: Kabanata III

ᜀᜅ᜔ ᜋᜐᜎᜒᜋᜓᜂᜆ᜔ ᜈ ᜃ᜔ᜏᜒᜈ᜔ᜆᜓᜅ᜔ ᜉᜄ᜔-ᜁᜒᜊᜒᜄ᜔ ᜈᜒ ᜐᜒᜇ᜔ᜑᜒᜌᜓ

ᜁᜒᜃᜆ᜔ᜎᜓᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ

“Nakakausap mo pa si Markie?!” pasigaw na tanong ni Sergio. Nagulat si Graciel at nabitawan ang coke float, natapunan tuloy ang paborito niyang long socks na stripes. “Ayan! Natapon tuloy! Bwiset! Tsaka ano ba meron kay Markie?! AYLABYU lang naman ‘yun ah! Hindi naman I love you! Hays!” pagalit ding tugon ni Graciel.

Nakakunot ang noo ng binata, nadismaya ito nang makitang nakikipag-aylabyu ang kaniyang nililigawan sa ex nitong si Markie. Si Markie ay kaklase ni Graciel na bargas, nananaksak ng lapis, at parating naghuhubo sa harap ng kaniyang mga kaklaseng babae. Kaya gayun na lamang ang inis ni Sergio nang malamang nag-uusap pa ang dalawa. “Sorry na, kuya. Ang immature e. Nag-aaylabyu man ako sa kaniya. Ikaw naman mahal ko” panunuyo ng dalagita. Kahit college na si Sergio ay madali parin siyang napapaniwala ng dalagitang ito. Kahit akong writer nagtataka kung bakit. Matalino, pero marupok. Pinalampas ito ng binata at hinayaan na lamang.

Sa ilang minuto ng paglalakad, sa wakas ay malapit na sila sa kanto ng tirahan nina Graciel. Mag-aalas siyete na kaya nagtext na ang ina ng dalaginding. “Baby girl, nasan ka na? Nag-aalala na ang mommy.” mensahe ng ina. Nabasa ito ni Sergio, chismoso rin talaga.

“Hinahanap ka na ng future mother-in-law ko, bilisan na natin.” hinawakan ni Sergio ang kamay ni Graciel sabay binilisan ang paglalakad. “Nga pala” sambit ni Sergio, naagaw niya ang atensyon ng dalagita. “Ano palang pangalan ng mommy mo?” tanong nito.

Itutuloy… masyadong mahaba.

Ang Masalimuot na Kwentong Pag-ibig ni Sergio: Kabanata II

ᜀᜅ᜔ ᜋᜐᜎᜒᜋᜓᜂᜆ᜔ ᜈ ᜃ᜔ᜏᜒᜈ᜔ᜆᜓᜅ᜔ ᜉᜄ᜔-ᜁᜒᜊᜒᜄ᜔ ᜈᜒ ᜐᜒᜇ᜔ᜑᜒᜌᜓ

ᜁᜒᜃᜎᜏᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ

Natunton ni Sergio ang lugar na pinagmumulan ng tunog. Nag-eensayo nga ang drum and lyre. Lumibot ang kaniyang mata, hinanap ang kinaroroonan ni Graciel. Pumuso ang mga mata nito nang makita ang babae. Si Graciel ay isang maliit, cute, parating nakatrintas ang buhok, at sa kasalukuyan ay nasa IKA-ANIM NA BAITANG. Oo, hindi ka nagkamali ng basa. Grade 6 talaga nililigawan ni Sergio, kung tatanungin mo ako kung bakit? Hindi ko alam. Sumigaw bigla ang coach ng Drum and Lyre ng “water break”, sinulit ni Sergio ang pagkakataon at nilapitan si Graciel para kamustahin.

“Graciel, kamusta? O, ito pala ang tubig. Uminom ka muna” sabay abot ng bote ng nature’s spring sa dalagita. “Salamat po, kuya” hindi na bago kay Sergio na tawagin siyang kuya, hindi pa naman daw kasi sila. “Bakit po pala hindi malamig?” reklamo ng dose-anyos. “Kanina nung hawak ko, malamig pa. Pagkaabot ko sa’yo, uminit. Hot mo kasi” sabay tawa nilang dalawa. “Anong oras tapos ng practice ninyo? May service ka ba ngayon?” tanong ng binata. “Wala po, hintayin mo po ako ha. Pero ano, bili mo muna ako coke float, bago umuwi” hiling ni Graciel. Likas din sa babae ang pagiging magalang. “Yes, madam” sagot ni Sergio. Matapos no’n ay tumuloy na sa practice si Graciel.

Ala-sais na nang matapos ang practice. Pinagalitan pa kasi ang mga bata. Sa paglalakad nila pauwi, habang hinihigop ni Graciel ang coke float na ibinili sa kaniya ay hiniram ni Sergio ang cellphone nito. Nagulat siya sa kaniyang nakita.

Itutuloy… uwu.

Ang Masalimuot na Kwentong Pag-ibig ni Sergio: Kabanata I

ᜀᜅ᜔ ᜋᜐᜎᜒᜋᜓᜂᜆ᜔ ᜈ ᜃ᜔ᜏᜒᜈ᜔ᜆᜓᜅ᜔ ᜉᜄ᜔-ᜁᜒᜊᜒᜄ᜔ ᜈᜒ ᜐᜒᜇ᜔ᜑᜒᜌᜓ

ᜂᜒᜒᜒᜈᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ

Isinulat noong Setyembre 2018

“Ilang minuto nalang, magbebell na!” anas ni Sergio sa sarili. “Sa wakas ay makikita ko na ulet ‘yung nililigawan ko!” napangiti ang binata sabay tuon ulit ng atensyon sa kaniyang propesor.

Si Sergio ay isang college student sa isang unibersidad. Siya ay makisig, taon-taon ay nagkakamit ng pinakamataas na marka, at habulin ng babae. Gayunpaman, gaano man karaming babae ang nagpumilit sa kaniya. Sa iisa lamang nakalaan ang kaniyang puso, kay Graciel (mamaya makikilala ninyo).

Sa wakas ay tumunog na ang hudyat na kaniyang pinakaiintay. “This is it, pansit!” napahiyaw ang binata at kumaripas ng takbo palabas, hindi nito namalayan na nasa loob pa ang propesor.

Makalipas ang sampung minutong paglalakad, narating ni Sergio ang paaralan ng kaniyang iniirog. Agad nitong sinilip ang gate, inaalam kung lumabas ba si Graciel o nananatili pa sa loob. Sa ‘di kalayuan, narinig niya ang mga tambol at xylophone. Alam niyang nandun si Graciel, kaya sinundan niya ang pinagmumulan ng tunog. FYI, elementary school ang pinasok niya.

Itutuloy…

Pagkahumaling Sa Katutubong Sulatin

Translation: Ang tanging hiling ko lamang ay ang may makaintindi sa akin.

Kung inyong mapapansin, halos lahat ng aking inililimbag dito sa WordPress ay may halong alibata o baybayin.

Ang alibata ay katutubong sistema ng pagsulat ng mga Pilipino. Kailan ko lamang ito natutunan at agad nitong nakuha ang loob ko.

Ano nga bang mayroon dito at labis kong kinahuhumalingan? Siguro, dahil hilig ko ang matuto ng bago at mas mapalalim pa ang kaalaman ko sa wika ng ating bayan.

Para rin sa akin, kaaya-ayang tignan ang alibata. Hiling ko nga na sana’y mas mapagtuonan ng pansin ng mga tao ang sistemang ito. Magmukha mang sinauna, napananatili naman nito ang nauna nating kultura.

ᜈᜃᜎᜓᜎᜓᜅ᜔ᜃᜓᜆ᜔ ᜎᜋᜅ᜔ ᜇᜑᜒᜎ᜔ ᜏᜎ ᜑᜎᜓᜐ᜔ ᜉᜓᜋᜉᜈ᜔ᜐᜒᜈ᜔ ᜇᜒᜆᜓ||

Rosas ᜇᜓᜐᜐ᜔

Isinulat noong Nov. 2019

Malayo pa ang Pebrero, pero nahumaling ako sa’yo. Nagdulot ka ng samyong hindi kailanman maibibigay ng ibang bulaklak. Kaya labis kitang itinangi, pagdating mo’y nakagagalak. Wala kang pain, pero agad mo akong nabingwit. Hindi nagdalawang-isip, loob ko’y napalapit.

Hindi ako mahilig sa bulaklak, hindi ko rin hilig ang pula. Ngunit pakitungo mo sa akin ay sadyang kakaiba. Hindi ka huwad — noong una, ramdam ko ang iyong pananabik. Agad akong kumapit sa’yong mga pangako kahit alam kong ika’y matinik. Batid kong panandalian lamang ang kaya mong itagal. Isa kang bulaklak, mabilis kang mabulok at mapagal. Ngunit isa lamang ang labis kong ipinagtaka. Peke ka namang rosas, paano ka nanlanta?

Design a site like this with WordPress.com
Get started