Isinulat noong Nov. 2019
Malayo pa ang Pebrero, pero nahumaling ako sa’yo. Nagdulot ka ng samyong hindi kailanman maibibigay ng ibang bulaklak. Kaya labis kitang itinangi, pagdating mo’y nakagagalak. Wala kang pain, pero agad mo akong nabingwit. Hindi nagdalawang-isip, loob ko’y napalapit.
Hindi ako mahilig sa bulaklak, hindi ko rin hilig ang pula. Ngunit pakitungo mo sa akin ay sadyang kakaiba. Hindi ka huwad — noong una, ramdam ko ang iyong pananabik. Agad akong kumapit sa’yong mga pangako kahit alam kong ika’y matinik. Batid kong panandalian lamang ang kaya mong itagal. Isa kang bulaklak, mabilis kang mabulok at mapagal. Ngunit isa lamang ang labis kong ipinagtaka. Peke ka namang rosas, paano ka nanlanta?