Hilig ᜑᜒᜎᜒᜄ᜔

Napakarami kong nais gawin,
Ibig kong sumulat ng mga kantang aking pasisikatin.
Iba’t ibang pelikula, gusto kong panoorin,
Napakarami kong hilig, hindi ko alam ang uunahin!

Nais kong sa baybayin maging bihasa,
Nasa isip ko rin ang pag-aaral ng wikang banyaga,
Bahasa Indonesia, Thai, at Espanyol aking nasimulan.
Naparami kong hilig, ngunit hindi ko mapanindigan.

Gusto ko aralin ang sulatin na Tagbanwa,
Kaso iilan ang saki’y makauunawa.
Hanunoo at Buhid, na pagsulat ay nais kong gamitin,
Subalit baka mawalan ako ng gustong kumausap sa akin.

Itong mga hilig na ito, sadyang nakaaaliw!
Napakarami kong ninanais, para akong babaliw!
Baliw, siguro ayun ang salitang sa akin ay nababagay.
Ganoon talaga, kapag isang buwan ka na sa loob ng bahay.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started