El-Di-Ar (LDR) ᜁᜎ᜔ᜇᜒᜀᜇ᜔

Ni John Aubrey Villanueva

Isinulat noong 2016.

“Babe! Uuwi na ko” ito ang masayang bati ni Esperanza habang katawagan niya ang kanyang nobyong si Noah. “Nakapag-ipon na ko ng maraming pera para sa’tin. Pag-uwi ko may surpresa ako sa’yo” dagdag pa ng binibini.

“Excited na ko babe, siguraduhin mong matutuwa ako riyan ha!”, masayang tugon ni Noah.

Ilang buwan ang nakalipas ay nakauwi na si Esperanza. Sinalubong ito ni Noah nang may ngiti sa mga mukha.

“Babe, anong surpresa mo sakin?”, tanong ni Noah na animo’y sabik na sabik malaman ang surpresa. “Buntis ako Noah! Ikaw ang ama!”, anas ni Esperanza sabay yakap sa kanyang nobyo.

Biglang kinabahan at pinagpawisan si Noah. Nawindang siya sa nalaman n’ya.

“Esperanza…”, ani Noah. “Isang taon ka na sa Qatar diba?” dagdag ni Noah habang umaagos ang luha sa mga mata

Wangis ᜏᜅᜒᜐ᜔

Ni John Aubrey Villanueva

07-08-18

“Napakaswerte ko pala” anas ni Paul sa kaniyang sarili habang nakatingin sa taong labis niyang minamahal.

“Biruin mo, walang katulad mo. Masyado ka na nga atang perpekto” dagdag pa ng binata sabay haplos sa mukha ng kaniyang iniirog.

“Andami mo ring litrato sa aking selpon!” pagmamalaki ni Paul. “Gabi-gabi lagi ako doon nakatingin.” sabay buntong-hininga.

“Iingatan kita, pangako” pabulong na binigkas ng binata. Dahan dahang lumapit ang kanilang mga mukha sa isa’t isa. Malapit nang magdikit ang kanilang mga labi.

Biglang umeksena ang kaniyang ina…

“PAUL! HINAHALIKAN MO NANAMAN ‘YANG SALAMIN!” sigaw ng ina sabay palo sa kaniyang anak na baliw na baliw sa sariling wangis.

Design a site like this with WordPress.com
Get started